Home NATIONWIDE Dagdag-sahod para sa guidance counselors sinisilip ng DepEd

Dagdag-sahod para sa guidance counselors sinisilip ng DepEd

MANILA, Philippines- Kinokonsidera ng Department of Education (DepEd) ang umento sa sahod para sa guidance counselors para makapanghikayat ng master’s degree holders sa gitna ng kakapusan ng mga tauhan sa mga pampublikong paaralan.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kakausapin ng departamento ang Department of Budget and Management (DBM) para i-adjust ang entry-level pay ng guidance counselors mula Salary Grade 11 o P28,512 hanggang Salary Grade 13 o P32,870.

“Mayroon pong mga posisyon ‘yan, bakante lang po. Opo,  may plantilla item na po at halos parang 4,000 plus ang bakante. Bawat  rehiyon may bakante,” ang sinabi ni Angara.

“Mababa yung sweldo, so gusto namin ire-reclassify namin yung posisyon,  manghihingi kami ng permiso sa Department of Budget [and Management] or  DBM, at from Salary Grade 11, gagawin naming Salary Grade 13. Pagkat  kapag may master’s degree na ang tao, malamang hindi niya kukunin yung  mas mababang sweldo,” dagdag na wika nito.

Idagdag pa rito, sinabi ng DepEd na may mga pag-uusap na payagan ang bachelor’s degree holders ng psychology, at guidance and counseling na ma-hire habang kinukompleto ng mga ito ang kanilang master’s degree.

“At the very least,  mapuno lang natin yung a few of the positions tapos may kompromiso na,  hindi pa formally announced, pero pinag uusapan na payagan yung mga  bachelor graduates lang ng psychology or ng guidance and counseling na  umupo, subject to five years na makuha nila yung actually or full  master’s degree,” ayon kay Angara sabay sabing, “At least may naga-advise na, kaysa sa  bakante yung posisyon.”

Ayon sa Republic Act No. 9258 o “Guidance and Counseling Act of 2004,” ang isang aplikante ay kailangan na may hawak na master’s degree sa guidance and counseling para maging kwalipikado para sa licensure examination. Kris Jose