Home HOME BANNER STORY LRMC nag-abiso sa suspensyon ng LRT-1 ops

LRMC nag-abiso sa suspensyon ng LRT-1 ops

MANILA, Philippines-Naglabas ng abiso ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) na nagpapaalala sa mga komyuter ukol sa suspensyon ng weekend operation ng Manila Light Rail Transit System Line 1 (LRT-1) na magsisimula ngayong araw, Agosto 17 at 18.

Ang mga serbisyo ng komersyal na tren ay hindi magagamit sa buong umiiral nitong linya mula sa Fernando Poe Jr. (dating Roosevelt) hanggang sa mga istasyon ng Baclaran sa susunod na tatlong weekends. Maaapektuhan ang mga operasyon sa mga sumusunod na petsa:

  • Agosto 17-18

  • Agosto 24-25

  • Agosto 31-Setyembre 1

Target ng nasabing hakbang na mapabilis ang mga paghahanda para sa inaasahang pagbubukas ng LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ngayong Q4 2024, ayon sa abiso ng LRMC.

“LRMC has coordinated with our government partners in ensuring the following alternative transport options to help you manage your commute during the weekend closure period,” pahayag nito.

Narito naman ang mga alternatibong opsyon ng transportasyon para sa apektadong komyuters:

  • Bus — Malanday hanggang MOA

  • EDSA Carousel — Monumento hanggang PITX

  • UV Express — SM Fairview hanggang Buendia

Jeep/Modern Jeep

  • MCU – Divisoria

  • MCU- Recto

  • MCU – Sta. Cruz

  • MCU – Pier South

  • MCU – Pasay Rotonda

  • Blumentritt – Baclaran (via Taft Avenue)

  • Cubao hanggang Vito Cruz

Para sa Malanday-MOA buses, sinabi sa abiso na isang espesyal na extended route at bus stop ang ipatutupad partikular para sa LRT-1 weekend closures.

Samantala, binanggit pa na ang EDSA Carousel ay magbibigay ng access sa mga istasyon ng Yamaha Monumento, Balintawak, at Fernando Poe Jr.

Maaaring maglakad ang mga komyuter mula sa Monumento Station hanggang sa harap ng MCU para makarating sa EDSA Carousel, anito pa.

Sinasaklaw ng Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension Project ang unang limang karagdagang istasyon sa loob ng Parañaque City: Redemptorist, MIA, PITX Asia World, Ninoy Aquino, at Dr. Santos.

Ang Phase 1 ay magpapahaba sa kasalukuyang Line 1 nang 6.2 kilometro. Ito ay inaasahang makapagbabawas sa oras ng paglalakbay at mapakikinabangan ng hanggang 600,000 pasahero araw-araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden