MANILA, Philippines- Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Biyernes na imumungkahi niya kay Education Secretary Sonny Angara na isulong ang health literacy sa mga batang Pilipino upang mapanatili silang ligtas sa mga impeksyon sa tag-ulan.
Biniyang-diin ni Herbosa ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan, kabilang ang leptospirosis at dengue.
Sinabi ni Herbosa na binabantayan ng DOH ang W.I.L.D (water-borne, influenza, leptospirosis and dengue) diseases sa panahon ng tag-ulan.
Napansin ng kalihim ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Carina at habagat.
Iniulat ng DOH noong Huwebes ang 523 bagong kaso ng leptospirosis sa mga ospital nito mula Agosto 8 hanggang 13, bukod pa sa 255 kaso na naitala sa buong bansa mula Hulyo 25 hanggang Agosto 7.
Nakapagtala rin ang DOH ng 43 namatay dahil sa leptospirosis sa nakalipas na tatlong linggo.
Humigit-kumulang 81 porsyento o 423 indibidwal na may leptospirosis ang nasa hustong gulang at 19 porsyento o 100 sa kanila ay mula sa pangkat ng edad ng kabataan.
Binigyang-diin ni Herbosa ang kahalagahan ng mga interbensyon ng mga lokal na pamahalaan upang manatili sa bahay ang mga tao kapag may bagyo o baha.
Kailangan din aniyang kontrolin ang populasyon ng mga daga sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang access sa mga lugar na maaaring magsilbing breeding sites at para sa solid waste management bago ang tag-ulan. Jocelyn Tabangcura-Domenden