Home HOME BANNER STORY Dagsa ng mga pasaherong pauwi galing sa long holiday break, pinaghahandaan!

Dagsa ng mga pasaherong pauwi galing sa long holiday break, pinaghahandaan!

MANILA, Philippines – Pinaghahandaan na ng mga awtoridad sa mga bus terminal, pantalan at paliparan ang pagdagsa ng mga pasahero simula ngayong araw, Enero 3, para sa pagbabalik ng mga nagbakasyon sa kani-kanilang probinsya noong holiday season.

Ayon sa ulat, dumoble ang bilang ng mga bus na pauwi ng Metro Manila galing sa Bicol region.

Mayroon umanong 10 bus ang nagsasakay ng mga pasahero sa terminal pabalik ng Manila galing sa Bulan, Sorsogon na mas mataas kumpara sa mga regular nilang operasyon.

Inaasahang mas marami pang pasahero ang darating sa mga susunod na araw.

Sa Batangas, sinabi ni Philippine Ports Authority Port Management Office (PPA PMO) Batangas port manager Joselito Sinocruz na nasa 200,000 pasahero ang umalis sa pantalan mula Disyembre 20 hanggang 31.

Sa kabila nito, tanging 32,000 pasahero lamang ang bumalik sa Batangas Port mula Enero 1 hanggang 2. Dahil dito, posibleng mas maraming pasahero ang darating hanggang sa Lunes.

“Mula po ngayong araw hanggang sa maagang-maaga po ng Lunes. Iyan po ang inaasahan natin (na peak),” ani Sinocruz sa panayam ng GMA News.

Inaasahan naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City ang nasa 620,000 pasahero na daragsa sa paliparan mula Biyernes hanggang Linggo.

“Kung ito-total po natin ‘yan from December 15 until yesterday, around 2.8 million na po ang nakabiyahe sa ating paliparan,” ani Manila International Airport Authority (MIAA) head executive assistant Manuel Jeffrey David.

“Yung forecast po natin, moving forward, from today to January 5, we’re still expecting around 620,00 passengers po on an average of 150,000 per day,” dagdag pa. RNT/JGC