Home NATIONWIDE Dahil wala ng POGO, 2 dayuhan sumideline sa droga, arestado

Dahil wala ng POGO, 2 dayuhan sumideline sa droga, arestado

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD), na siyang namuno sa ikinasang buy-bust operation, kabilang ang mga miyembro ng PDEA-SDO, DID-SPD, DMFB-SPD, Pasay City Police Sub-Station 10 at Pasay SDEU ang dalawang banyaga na nakuhanan ng ₱680,000 halaga ng shabu Martes ng madaling araw, Setyembre 17.

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ang mga inarestong suspek na sina alyas Sing, 40, Malaysian national, at isang alyas Chen, 37, Chinese national, na kapwa tinaguriang mga high value individual (HVI).

Base sa report na natanggap ni Rosete, naganap ang pag-aresto sa mga suspects bandang alas 4:35 ng madaling araw sa isang parking lot sa MOA Complex, Pasay City.

Sa kinasang buy-bust operation ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱680,000.

Napag-alaman na dating nagtatrabaho sa POGO ang Malaysian national kung saan karaniwan niya umanong kustomer sa droga ay ang iba pang mga nagtatrabaho sa POGO.

“Since POGOs will be banned in the country, they decided to change their line of work. In our suspect’s case, he decided to sell illegal drugs,” ani SPD spokesperson Police Major Hazel Asilo.

Napag-alaman din na si alyas Sing ay dati nang may record ng paglabag sa Section 11 Article II ng RA 9165 at nahuli naman ngayon sa paglabag sa Section 5 ng RA 9165 habang si alyas Chen naman ay inaresto ng paglabag sa Section 26 kaugnay sa Section 5 Article II ng RA 9165.

Ang nakumpiskang ilegal na droga sa mga suspects ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa qualitative at quantitative analysis. (James I. Catapusan)