Home METRO Dalaga patay sa saksak ng kasama sa loob ng hotel sa Cavite

Dalaga patay sa saksak ng kasama sa loob ng hotel sa Cavite

MANILA, Philippines – Isang babae ang natagpuang patay makaraang umano’y pagsasaksakin ng kasama nito na pumasok sa isang hotel sa Brgy Zapote 1, Bacoor City, Cavite.

Sa report, nasa pagitan ng 40 hanggang 50 ang edad ng biktima.

Batay sa imbestigasyon, bandang ala-1:57 ng madaling araw nang nag-check-in ng 12 oras ang suspek at biktima sa Room 304 ng Solfacio Hotel sa Brgy Zapote 1 ng nasabing lungsod.

Subalit bandang alas-6:30 ng umaga ay bumaba ang suspek at nagpaalam sa receptionist na bibili lamang ito ng makakain sa labas, gayunman, sinabihan siya na kinakailangan sabihan muna ang kanyang kasama sa kuwarto bilang protocol ng hotel.

Dito, naging balisa at nagmamadaling umalis ang lalaki kaya umakyat ang staff ng hotel sa kuwarto na inokuphan.

Laking gulat nang bumungad ang duguang katawan ng biktima, na nakahiga sa kama at wala nang buhay.

Narekober sa tabi ng biktima ang isang patalim na hinihinalang ginamit sa pagpatay, isang bagpack na dala ng suspek pagpasok ng hotel at isang pagkakakilanlan kung saan nakita ang kanyang address.

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng biktima at suspek at kung anu ang naging motibo sa nasabing pagpatay. Margie Bautista