Home NATIONWIDE Mamamayan pinag-iingat ng CBCP ngayong tag-ulan

Mamamayan pinag-iingat ng CBCP ngayong tag-ulan

MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang publiko at hinikayat na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran ngayong tag-ulan.

Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary, Camillian Fr. Rodolfo Vicente “Dan” Cancino, na ngayong tag-ulan ay inaasahan na rin ang unti-unting pagpasok ng La Niña Phenomenon kung saan higit na mararanasan ang labis na antas ng pag-uulan.

Binigyang-diin ng pari na kaakibat ng panahong ito ang paglaganap ng iba’t ibang nakahahawang karamdaman, lalo na ang mapanganib na epekto ng dengue at leptospirosis.

Ang dengue ay nakukuha mula sa infected na lamok o aedes aegypti na nangingitlog sa mga lugar na mayroong nakaimbak na tubig, at karaniwang tinatamaan ay mga bata at sanggol.

Habang ang leptospirosis naman ay sakit na naipapasa mula sa mga kontaminadong tubig tulad ng baha na mayroong ihi ng daga, at lubhang mapanganib sa mga taong mayroong sugat sa bahagi ng binti hanggang paa.

Mayroong pagkakatulad sa mga karaniwang sintomas ang dengue at leptospirosis tulad ng pagkakaroon ng lagnat na may kasamang pananakit ng ulo at kalamnan, pagsusuka, at skin rashes.

Paalala naman ni Fr. Cancino sa publiko na huwag balewalain sakaling magkaroon ng anuman sa mga nabanggit na sintomas at sa halip ay agad na magpakonsulta upang malapatan ng karampatang lunas.

Batay sa huling ulat ng Department of Health na mula unang araw ng Enero hanggang Hunyo 15 ngayong taon ay tumaas ng halos 78,000 ang kaso ng dengue sa bansa, kabilang ang 205 nasawi.

Sa nasabing bilang, mas mataas ito ng 15-porsyento kumpara sa higit 67,000 kaso sa kaparehong panahon noong 2023.

Samantala, tumaas naman sa halos 900 ang kaso ng leptospirosis, kung saan 84 dito ang naitalang nasawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden