MANILA, Philippines – Bigla na lamang sinunggaban at sinakal ng isang lalaking pasahero ang katabi nitong dalagang pasahero, sa loob ng isang jeep sa Davao City.
Sa viral video, makikita na mabilis ang takbo ng jeep at nasa loob ang 19-anyos na biktima na sinasakal ng suspek.
Ayon sa drayber ng jeep, binilisan umano niya ang arangkada ng jeep para tumigil sa isang police outpost.
Nang huminto ang jeep ay agad na umakyat ang ilang lalaki sa jeep para iligtas ang babae.
Papunta sana sa trabaho ang biktima nang mangyari ang insidente.
Nahatak naman ng mga lalaki ang suspek na sinubukan pang magpumiglas.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at lumabas sa medical examination nito na mayroon itong mental health problem.
Napag-alaman din na namatayan umano ng asawa ang suspek at nawalan pa ito ng trabaho. RNT/JGC