Home NATIONWIDE Pag-aaral sa pork MSRP, tatapusin ngayong buwan – DA

Pag-aaral sa pork MSRP, tatapusin ngayong buwan – DA

MANILA, Philippines – INAASAHAN na makokompleto na bago pa matapos ang buwang kasalukuyan ang pag-aaral hinggil sa pagpapatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) para sa karne ng baboy.

“Two weeks from now, probably, or by the end of February should be enough time,” ang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa press briefing sa Malakanyang.

Tinalakay din aniya niya ang usaping ito sa pakikipagpulong niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umaga ng araw ng Lunes, Pebrero 10.

”Among other products ay nagpa-review siya sa—nag-present kami sa kaniya ng situation sa food, ano, and iyong pork nga was… at itlog medyo na-mention, at he took particular interest in,” ang sinabi ni Tiu Laurel.

Winika pa rin niya na iniimbestigahan na ng gobyerno ang profiteering o overcharge sa mataas na presyo ng karne ng baboy.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Department of Agriculture (DA) ang potensyal na MSRP levels, habang ang presyo ng karne ng baboy ay nananatiling mataas, P480 per kilogram para sa liempo at P420 para sa pigue.

Sa kabila ng tumaas na presyo, tiniyak naman ng departamento sa publiko na sapat ang suplay ng karne ng baboy sa bansa. Kris Jose