MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging alerto sa mga nambibiktima gamit ang text scam target ang mga kaanak ng mga naopistal na pasyente.
Naitala kasi ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang 19 na kaso nito, ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa press briefing sa Camp Crame.
Ani Fajardo, nagsisimula ang modus operandi kung saan nagpapakilala ang scammer bilang hospital staff sa pamamagitan ng text message.
Sasabihin ng mga scammer ang kaanak tungkol sa update ng hospital bill at hihiling sa mga biktima na bayaran ang halaga sa pamamagitan ng e-wallet o bank transfer.
Mag-aalok umano ang mga scammer ng malaking diskwento sa oras na mabayaran ang bill.
Pagkatapos nito ay hindi na makokontak ng mga kaanak ang hospital staff.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng PNP-ACG ang posibilidad na ang mga scammer ay may mga kasabwat mismo galing sa ospital.
“Isa ‘yan sa talagang kailangan imbestigahan na how come na nakakuha sila ng mga numero ng mga kaanak ng mga biktima na naka-confine. Alam nila kung sino ang kontakin,” ani Fajardo.
“So hindi naman basta basta ibinibigay yan. Binibigay ‘yan normally doon sa mga staff ng hospital. Without putting blame on anyone, alam natin ang mga kriminal would always find ways,” dagdag pa.
Inabisuhan ni Fajardo ang publiko na magbayad direkta sa hospital billing department. RNT/JGC