MANILA, Philippines – ARESTADO ang 24-anyos na dalagang kahera ng isang sabungan nang ireklamo ng hindi pagre-remit sa kinita ng cockpit arena sa Malabon City.
Sa Del Monte Cockpit Arena sa Brgy. Potrero pinuntahan at dinakip ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan ang teller na si alyas “Ara” nang ireklamo siya ng Officer-In-Charge ng Security Office ng naturang sabungan na si alyas “Julius” Lunes ng umaga.
Batay sa tinanggap na reklamo ng Malabon Police Sub-Station 1, nadiskubre ni alyas Julius ang pagkawala ng P149,981.00 na kita ng sabungan na nasa pangangalaga ni alyas Ara bilang teller.
Hindi umano nag-remit ng kita ang kahera kaya’t hinalughog ng security officer ang kanyang cash box at dito nakita ang P36,678 habang nawawala na ang P112,403 kaya’t naghain na sila ng reklamo sa pulisya.
Ayon kay Col. Baybayan, iprinisinta na ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin niyang kasong qualified theft. Merly Duero