Home METRO Dalagita ginapang ng binatilyo sa Maynila

Dalagita ginapang ng binatilyo sa Maynila

MANILA, Philippines – Arestado ang isang binatilyo matapos na akusahang gahasain ang isang menor de edad na kapwa nasa impluwensya ng alak sa Malate, Maynila.

Itinago sa pangalang Allan ang suspek na nasa edad 18 at Grade 11 student, habang ang biktima ay isang 13 anyos.

Ang suspek ay kinasuhan ng Statutory Rape at Child Abuse.

Nangyari ang insidente sa bahay ng biktima sa Paco, Maynila noong Abril 30 ng gabi, ngunit naaresto lamang ang suspek nitong Mayo 1, Miyerkules.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-inuman ang biktima at suspek kasama ang pito nitong kaibigan na pawang mga menor de edad.

Matapos makainom ng ilang bote ng gin, nalasing ang biktima kaya nagpasya na itong matulog dahil na rin sa hilo.

Gayunman, bandang alas-10 ng gabi nang magising ang dalagita nang maramdamang nasasaktan ang kanyang ari at napansin na nakababa na ang kanyang pang-ibabang kasuotan.

Nakita rin niyang nakapatong na sa kanya ang suspek.

Kinabukasan, nagreklamo ang biktima kasama ng kanyang ina sa pulisya dahilan para maaresto ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden