PAMPANGA- Arestado ang isang American national matapos ireklamo ng paulit-ulit na pang-aabuso sa isang dalagita, iniulat kahapon sa Angeles City.
Ayon kay Lt. Col. Armelina Manalo ng WCPC Luzon Field Unit, agad silang nagsagawa ng entrapment at hot pursuit operation laban sa suspek at nadakip ito sa kanyang inuupahan apartment sa nasabing lungsod at nasagip ang menor-de-edad na biktima.
Kwento ng biktima, mahigit isang taon siyang inabuso ng suspek mula 2024 hanggang sa siya ay mailigtas.
Nabatid, na hindi lamang ang dalagita ang nabiktima ng suspek kundi maraming iba pa.
Nasa pangangalaga ngayon ng WCPC ang biktima at sumasailalim sa counselling dahil posibleng mayroon itong mga psychological effect ng trauma.
Nanawagan si WCPC chief PBrig. Gen. Portia Manalad sa mga magulang na bantayan ang online activity ng kanilang mga anak upang maiwasan ang katulad na insidente. Mary Anne Sapico