Home METRO Dalagitang nagsasagot ng modyul binaril sa loob ng bahay

Dalagitang nagsasagot ng modyul binaril sa loob ng bahay

TALISAY, Cebu- Patay ang isang 14-anyos na dalagita matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nagsasagot ng kanyang module, noong Biyernes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Jacquilene Reponte, nakatira sa VH, Garces St., Barangay Cansojong, ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Talisay Police Station, bandang alas-9:40 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Ayon sa pulisya, nakita ng nakakabatang kapatid ng biktima na habang nagsasagot ng module ang kanyang ate ay bigla na lamang pumasok ang suspek na armado ng baril at walang babalang binaril ang biktima sa ulo.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Agad naman dinala sa Cebu South Medical Center ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sinabi ng pulisya, droga ang tinitingnan nilang motibo sa krimen dahil sa pagkakakulong ng mga magulang ng biktima na may kinalaman sa illegal drugs.

Inamin naman ng ina ng biktima na nakulong siya sa kasong illegal drugs habang ang kanyang asawa ay namatay sa loob ng piitan at ngayon ay anak niyang panganay ay nasa probation dahil sa kasong illegal drugs.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para sa pagkadakip sa suspek. Mary Anne Sapico