Home NATIONWIDE Dalawang puganteng SoKor national arestado ng BI

Dalawang puganteng SoKor national arestado ng BI

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa dalawang lalaking South Korean na kapwa pinaghahanap ng mga awtoridad ng Interpol at Seoul dahil sa pagkakasangkot sa multi-million dollar investment scams.

Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang isa sa mga pugante na si Kim Young Sam, 58, na naaresto ng mga operatiba ng fugitive search unit ng bureau noong Abril 22 sa loob ng kanyang tirahan sa BF Homes Village sa Parañaque City.

Sinabi ni Viado na sa operasyon, nadiskubre ng mga arresting agent ang presensya ng isa pang Korean fugitive na kalaunan ay nakilalang si Weon Cheolyong, 59-anyos.

Ayon sa BI chief, ipapa-deport agad si Kim dahil inutusan na siyang paalisin ng BI board of commissioners noong Disyembre 2021 dahil sa pagiging undesirable alien.

Si Kim ay napapailalim din sa isang Red notice ng Interpol na inisyu noong 2018 matapos ang inisyung warrant of arrest ng Seoul central district court kung saan siya ay kinasuhan ng fund raising para sa isang negosyong walang permit ng gobyerno.

Inakusahan ng mga awtoridad na bilang manager ng isang kumpanyang nakabase sa Seoul, si Kim at ang kanyang mga kasabwat ay nakikibahagi sa mga mapanlinlang na operasyon sa pamamagitan ng paghingi ng mga pamumuhunan para sa pagpapaunlad ng isang umano’y negosyong cryptocurrency.

Nabatid sa BI na mula noong 2015, nadaya ng nasabing kumpanya ang mahigit 3 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa 253 na biktima.

Para naman kay Weon, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na siya ay isang overstaying alien at isa ring fugitive wanted sa Korea para sa ilang pagkakataon ng investment fraud na nagdulot ng pagkalugi ng mahigit 17 milyong piso mula sa 14 na biktima.

Ang dalawang dayuhan ay mananatili sa BI custodial facility sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig City hanggang sa kanilang deportasyon. JAY Reyes