Home OPINION DAMING DRAMA DAHIL KAY DUTERTE

DAMING DRAMA DAHIL KAY DUTERTE

SINONG mag-aakala na ang road to The Hague ay siya ring magiging daan upang magkasundo-sundo ang isang pamilya? Bumalik na sa Maynila si Vice President Sara Duterte nitong Linggo matapos ang halos isang buwan sa Netherlands, kung saan nanatili siya para may kasama ang nakapiit na ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte — na nasa kustodiya ngayon ng International Criminal Court para sa crimes against humanity.

Bumiyahe papunta sa Netherlands si Sara isang araw makaraang dalhin doon ang ama, sa bisa ng warrant mula sa Interpol. Tumulong siya sa pagbuo ng grupo ng mga abogado pero ipinaubaya ang mga usapin tungkol sa korte sa kanilang Israeli lawyer. Bihira ang mga itong magdetalye tungkol sa kaso, aniya — marahil dahil mas maraming personal na bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin.

Noong 2022, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na gusto ni Digong na kumandidato ang anak na babae bilang presidente. Sa halip, sinuway siya nito at nakipag-alyansa sa “unity tandem” ni Bongbong Marcos bilang VP. Labis na ipinagdamdam ng matanda ang desisyong ito ng anak.

Dahil sa “misbehavior” na ito ng anak, ninais pa nga ni Digong na mailuklok na lang sa Malacañang ang kanyang matagal nang pinagkakatiwalaan, si Sen. Bong Go. Pero tumanggi ang senador.

Ngayon, makalipas ang dalawang taon at isang arrest warrant, sinabi ni Sara na nagkaroon na ng “kapatawaran” sa pagitan nila ng ama. At dahil dito, pinasalamatan niya si Marcos — marahil pabiro — nang makapanayam siya ilang oras matapos ang heart-to-heart talk niya sa ama.

Siyempre pa, agad itong sinagot ni Marcos. “Glad I could help,” aniya, walang emosyon na may halong pagmamalaki sa sarili.

Pero ang maanghang at diretsahang sagot ay nagmula sa kanyang Palace media officer, si Claire Castro, na sarkastikong binaligtad ang kanyang narrative: kung nagawa ni VP Sara na maging malapit sa ama, dapat daw nitong pasalamatan ang war on drugs — dahil kung hindi dahil sa libu-libong patayan, hindi maglalabas ng warrant ang ICC, hindi ito naaresto, hindi makukulong sa Scheveningen, at hindi rin magkakasundo ang mag-ama. “Dahil din po ito sa kasong EJK,” aniya.

Samantala, hindi pa tapos sa paninisi ang mga Duterte, inakusahan si Marcos ng pagkakanulo kay Digong sa ICC. Pero mas matindi ang tsismisan mula sa sarili nilang kampo: hindi ito magagawa ng gobyerno kung walang tumulong sa kanila — marahil mula sa isang malapit sa dating Pangulo.

May mga usap-usapan na nagtraydor ang isa mula sa grupo ni Digong. Naituro pa nga sa tsismisan ang laging tapat sa kanyang si Bong Go, habang si Sen. Bato dela Rosa naman ang sinasabi ng iba. Pero ang pinakanakababahala sa mga natsitsismis na naghudas mula sa DDS ay sariling laman at dugo raw ni Digong.

Habang nalalantad ang mga dramang ito, ang Senado — matapos isnabin ng mga miyembro ng Gabinete sa pagdinig nitong Abril 3 — ay nakatakdang magpatuloy ngayong araw ng sarili nitong imbestigasyon.

Paglilinaw lang, pawang espekulasyon lang ang mga ito. Pero may aral tayong mapupulot: ang pagtatraydor ay hindi laging nagmumula sa ibang tao. Minsan, isang taong napakalapit pa sa ‘yo ang gagawa nito.

Namagitan na si Senate President Chiz Escudero upang mapawi ang tensyon sa pagitan ng Malacañang at ng Kapulungan matapos na ipagpatuloy ni Sen. Imee Marcos ang imbestigasyon sa ligalidad ng pag-aresto kay Duterte. Inaasahang dadalo na muli ang mga opisyal ng gobyerno.

Tingnan natin kung hanggang kailan kokontrahin ng presidential sister ang pasyang ito ng kanyang nag-iisang kapatid na lalaki.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.