Home OPINION MAY PANANAGUTAN BA SA BATAS ANG SAFETY OFFICER SA FATALITY CASE?

MAY PANANAGUTAN BA SA BATAS ANG SAFETY OFFICER SA FATALITY CASE?

KARANIWANG tanong sa atin ng ilang safety officer, “Sir, may pananagutan ba kami kung sakaling nagkaroon ng fatality case sa aming workplace?”

Bago tayo magbigay ng opinyon, gusto ko lamang kayong paalalahanan na kasalukuyang may umiiral na Occupational Safety and Health Standards na ipinatutupad ng labor department sa ating bansa. Base ito sa Book 4, Title 1, Chapter 2 ng Labor Code of the Philippines (renumbered), Article 168-Safety and Health Standards at Article 171-Administration of Safety and Health Laws. Maaari ding makatulong ang Republic Act 11058 o An Act Strengthening Compliance With Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof gayundin ang implementing rules and regulations nito para magamit na basehan ng mga kompanya, awtoridad at publiko.

Nakasaad sa mga batas na nabanggit sa itaas ang mga responsibilidad ng employer, manager, supervisor, safety officer at mga manggagawa patungkol sa OSH implementation sa workplaces. Ibig sabihin, kailangan lamang nila itong gampanan para masiguro na ligtas sa aksidente at mailayo sa sakit ang lahat ng worker. Pero papaano nga ba kung may nagtamo ng severe injury o may namatay?

Ating pakatandaan na magkaiba ang salitang pananagutan sa responsibilidad. Mas mabigat ang una sa pangalawa at hindi ito kailanman naipapasa.

Ang mga responsibilidad ng safety officer ayon sa OSH Law ay nakapaloob sa Rule 1047 ng OSH Standards at Chapter 4, Section 14 ng RA 11058; OSHS Rule 1045 at Chapter 3, section 4a ng RA 11058 naman ang para sa employer at nagpapatrabaho, at; OSHS Rule 1046 at Chapter 3, section 4b ng RA 11058 ang para sa mga worker.

Sa usapang pananagutan o liability, mababasa natin ito sa Joint and Solidary Liability, Chapter 5, section 21 ng RA 11058 at ito ang mga nakasaad “Employers Responsibility and Liability- The employer, project owner, general contractor, contractor or subcontractor, if any, and any person who manages, controls or supervises the work being undertaken shall be jointly and solidarily liable for compliance with this Act.”

Sa madaling salita, ang binabanggit po dito ay ang mga nag-uutos o nagpatatrabaho sa mga manggagawa ang may tanging may “pananagutan” at hindi po kasama ang safety officer kung may nasugatan, nagkasakit o namatay sa trabaho. Kung susuriin, tanging responsibilidad lamang po katulad ng inspeksiyon, pag-iimbestiga, pagrereport, pagbibigay ng OSH training at iba pang nakapaloob sa OSH Standards ang iniatang sa kanila ng batas.

Iniiwasan natin ang blaming culture, pero kung may fatality case, ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang agarang pagpapahinto sa trabaho, agarang pag-rereport sa DOLE at pag-iimbestiga sa mga nag-utos kung nasunod ba nila ang OSH policy ng kompanya, kondisyon ng workplace at ibang pang factors na maaaring nag-contribute sa aksidente.