Home NATIONWIDE ‘Dangerous’ heat indices nagbabadya sa 13 lugar

‘Dangerous’ heat indices nagbabadya sa 13 lugar

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang makararanas ang pitong lugar sa bansa ng “dangerous” heat indices ngayong Lunes, April 8, at anim na lugar sa Martes, April 9.

Ayon sa PAGASA, posibleng maranasan ang heat index na 43°C sa Dagupan City, Pangasinan; Aparri, Cagayan; at Tuguegarao City, Cagayan, habang maaaring umiral ang heat index na 42°C sa Laoag City, Ilocos Norte; Puerto Princesa City, Palawan; Daet, Camarines Norte; at Cotabato City, Maguindanao sa April 8.

Sa April 9, maaaring maranasan ang heat index na 44°C sa Aparri at Tuguegarao City, Cagayan. Gayundin, nakaamba sa Puerto Princesa City, Palawan, at Dagupan City, Pangasinan, ang heat index na 43°C, habang posibleng maramdaman sa Laoag City, Ilocos Norte, at Daet, Camarines Norte, ang heat index na 42°C.

Nagbabala ang PAGASA sa publiko na maaaring makaranas ng heat stroke kapag nagpatuloy ang aktibidad sa mga lugar na sapul ng heat indices mula 42 hanggang 51°C. RNT/SA