Home METRO DAR, sinimulan ang P500M Farm-to-Market Road Projects sa Polangui, Albay

DAR, sinimulan ang P500M Farm-to-Market Road Projects sa Polangui, Albay

ALBAY, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR)  na malaking tulong ang darating sa mga magsasaka  sa Albay matapos simulan ang pagpapatayo ng mga Farm-to-Market Road (FMR) projects sa bayan ng Polangui na may kabuuang halagang P500 milyong ang nakalaang pondo para sa mga kalsadang ito. 

Ayon sa DAR ang naturang kalsada na may habang 9.2 kilometro na layuning mapadali ang biyahe ng mga magsasaka at maihatid nang mas mabilis ang kanilang mga ani sa  mercado.

Pinangunahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) kasama ang Local Government Unit (LGU) ng Polangui ang isinagawang groundbreaking ceremony kung saan direktang makikinabang dito ang 2,001 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), kasama ang 1,486 na hindi ARB at 4,392 na posibleng maging ARB mula sa iba’t ibang barangay sa Polangui. Sa kabuuan, mahigit 7,000 magsasaka ang makikinabang sa mga kalsada.

Nabatid sa DAR na ang P500-milyong pondo ay hinati nang pantay-pantay sa limang pangunahing proyekto, na bawat isa ay may humigit-kumulang PHP 100 milyon para sa limang bahagi ng kalsada:

  • Sta. Cruz–Balaba FMR (1.9 km)

  • Pintor–Kinuartelan–La Purisima Phase 2 FMR (2.49816 km)

  • Cotnogan FMR (2.40729 km)

  • Apad–Balangibang FMR (0.76354 km), at

  • Luya–Dalipay–Sugcad FMR (2.15594 km)

Kaugnay nito pinangunahan ni DAR Undersecretary for Special Concerns (SC) at External Affairs and Communications Operations Office (EACOO) Rowena Niña O. Taduran ang groundbreaking ceremony. At binigyang-diin niya ang malaking tulong ng mga imprastraktura para mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.

“Ang proyektong ito ay inspirasyon at simbolo ng inyong tagumpay, pagsusumikap at pagkilala sa inyong mahalagang ambag sa ating lipunan bilang mga magsasaka. Ito ay magpapagaan sa inyong suliranin sa maayos na daloy ng daan para sa transportasyon ng inyong mga ani. Sa tulong ng mga programang ito, naniniwala kami na mas magtatagumpay kayo sa inyong mga layunin bilang magsasaka,” ani Usec. Taduran.

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Ireneo G. Arbo, isang 81-taong gulang na magsasaka mula sa Barangay Balangibang, kina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Kalihim Conrado M. Estrella III dahil sa pagsasagawa ng mahalagang inisyatibong ito.

Kaugnay nito hinikayat din ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Maria Eugenia M. Alteza, ang mga ARB na pahalagahan at gamitin ng maayos ang mga suportang serbisyong ibinibigay ng pamahalaan. Bnigyang-diin niya ang pangmatagalang benepisyong maidudulot ng mga kalsadang sa kanilang mga komunidad at kabuhayan.  (Santi Celario)