MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) na may data breach sa kanilang sistema matapos kumalat sa social media ang alegasyong na-kompromiso ang impormasyon ng mahigit 83 milyong botante.
Ayon sa ahensya, lumabas sa imbestigasyon ng kanilang ITD Security Incident Response Team na buo at ligtas pa rin ang lahat ng datos ng mga botante sa network at database ng Comelec.
Kasabay nito, hinikayat ng Comelec ang publiko na maging mapanuri at maingat sa mga nababasa, napapanood, at naririnig online upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na sundan lamang ang official social media accounts ng Comelec at bisitahin ang kanilang website para sa tamang impormasyon kaugnay ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden