Home METRO Dating alkalde ng General Luna sa Quezon Province, dinesqualify ng Comelec sa...

Dating alkalde ng General Luna sa Quezon Province, dinesqualify ng Comelec sa vote buying; pinagtibay ng SC

297
0

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na i-disqualify si dating General Luna Mayor Matt Erwin Florido sa pagtakbo bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Quezon sa 2025 midterm elections dahil sa vote buying.

Nag-ugat ang alegasyon sa reklamo na inihain ng grupo ng registered voters at residente ng Buenavista, Quezon.

Sa kanilang alegasyon, namigay umano ang kampo ni Florido noong April 5 at 6 sa isang pagtitipon ng P1,000 kasama ang libreng pagkain, T-shirt at pamasahe kapalit ng suporta sa kanya.

Itinanggi ni Florido ang alegasyon at idinepensa na para lamang sa camapaign volunteers ang nasabing kaganapan at hindi para sa publiko.

Naghain din siya ng petition for certiorari sa SC dahil ang Comelec ay nagkaroon umano ng pag-abuso sa kapangyarihan ngunit ito ay ibinasura ng kataas-taasang hukuman.

Ayon sa SC, malinaw sa ebidensya na bukas ang pagtitipon sa lahat at ginagamit para mangampanya at manghikayat ng boto.

Bukod dito, ang pamamahagi ng cash at iba pang items ay hindi ‘properly documented o liquidated’ na sumasalungat sa sinasabi ni Florido na ito ay mga campaign-related expenses.

Wala rin umanong resibo o tala ng ginastos, na ayon sa batas ay malinaw na indikasyon ng vote-buying sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Dagdag pa ng SC, personal na dumalo si Florido sa event, nagsalita sa harap ng mga tao, at malinaw na alam at pinayagan niya ang nangyari.

Kahit talo na si Florido sa eleksyon, tinapos pa rin ng Korte Suprema ang kaso para malinaw na legal ang naging desisyon ng Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here