MANILA, Philippines – Tiklo ang isang dating security guard ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil sa pagbebenta ng text blast machine sa Pasay City, ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (ACG).
Sa pahayag nitong Biyernes, Marso 7, sinabi ng ACG na ang suspek ay kinilalang si alyas Dante, 40-anyos, na nahuli sa isang entrapment operation.
Nagsagawa ng cyber patrolling ang mga awtoridad laban sa pagbebenta ng mga illegal na gamit sa social media.
Dito na nadiskubre na iniaalok ng suspek ang isang text blaster machine at signal jammer sa halagang P475,000.
“The cyber patroller engaged with ‘Dante,’ and after further negotiations, both parties agreed to meet in person to complete the transaction,” ayon sa ACG.
Nakuha mula sa suspek ang isang SMS blaster machine o International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, antenna, at signal jammer.
“The device allows criminals to intercept calls and messages, track user locations, and launch phishing scams. This arrest is a strong warning against those who use such technology for malicious purposes,” pahayag ni ACG chief Police Brigadier General Bernard Yang.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Philippine Radio Control Law. RNT/JGC