Home NATIONWIDE PBBM sa balwarte ni Leni: Vote straight sa admin slate!

PBBM sa balwarte ni Leni: Vote straight sa admin slate!

MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga residente sa balwarte ng nakatunggali niya noong 2022 presidential race rival, na si dating Vice President Leni Robredo, na iboto ang lahat ng senatorial slate ng kanyang administrasyon sa paparating na halalan.

“Pagdating po sa Mayo at kayo ay pupunta na at boboto, ‘wag na kayong magdalawang isip tingnan niyo po ‘yung Alyansa [Para sa Bagong Pilipinas candidates], 12-0 i-shade niyo na kaagad para sa Alyansa,” panawagan ni Marcos kasabay ng Alyansa campaign rally sa Bicol Region.

Ani Marcos, mararanasan sa rehiyon ang mas maraming benepisyo mula sa pamahalaan kung mananalo sa paparating na halalan ang kanyang “dream team.”

“Madaling sabihing de kalidad po ang ating mga kandidato. Eh pag pinagsama mo eh halos ito na ‘yung dream team na tatawagin. Para sa politika, ito na ‘yung dream team para sa Senado,” ayon sa Pangulo.

Inihayag din ni Marcos ang pagkakaisa ng kanyang mga kandidato sa kabila ng iba-ibang partidong pinanggalingan nito.

“Kung titingnan niyo po, kami ay iba-iba po ang aming suot dahil po iba-iba po ang pinanggalingan namin na mga political party. Kaya natawag po kaming alyansa…Lahat po tayo ay may sariling pananaw sa mga sitwasyon sa ating minamahal na Pilipinas, lahat sa atin may sariling pananaw kung ano ang mga solusyon para sa Pilipinas,” anang Pangulo.

“Ngunit tayong lahat, bawat Pilipinong nagmamahal sa kanyang kapwa Pilipino, pare-pareho ang iniisip. Kailangan nating tulungan at pagandhin ang buhay ng bawat Pilipino. Kailangan nating pagandahin ang Pilipinas,” dagdag niya. RNT/JGC