Home NATIONWIDE Davao police chief Patay, tsinugi agad sa pwesto ilang oras lang nang...

Davao police chief Patay, tsinugi agad sa pwesto ilang oras lang nang maluklok

DAVAO CITY – Na-relieve o inalis agad sa pwesto ilang oras pa lamang bagong naluklok na hepe ng Davao City Police Office (DCPO) na si Police Col. Lito E. Patay matapos itong maupo ngayong Miyerkules, Hulyo 10.

Kinumpirma ni Police Regional Office-11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey sa isang text message na na-relieve si Patay sa kanyang puwesto pero hindi naman siya nagbigay ng karagdagang detalye sa bagay na ito.

Sinabi ni Dela Rey na si Police Col. Sherwin Butil, pinuno ng Regional Information and Communication Technology Management Division, ay pinangalanang kahalili ng Patay simula Hulyo 10.

Si Patay ay itinalaga bilang hepe ng Regional Operations Division ng PRO-11, kapalit ni Police Col. Alberto C. Lupaz, na ngayon ay bagong hepe ng Regional Information and Communications Technology Management Division.

Iniulat na tinitipon ni Patay ang mga bagong station commander dito sa isang conference nang makatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa Philippine National Police (PNP) headquarters na nagpaalam sa kanya ng mga pagbabago.

Ini-relieve ng PRO-11 noong Lunes, Hulyo 8, ang 20 pulis dito, kabilang ang acting director ng DCPO na si Police Col. Rolindo Suguilon, na pinalitan ni Patay, kasunod ng reorganization order. RNT