MANILA, Philippines – Nagbabala si Bise Presidente Sara Duterte sa posibleng pandaraya sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 2025, kasunod ng pag-aresto sa kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, ng International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay Duterte, ang administrasyong Marcos ang dapat managot sa pag-aresto sa kanyang ama, na aniya’y konektado sa lumalakas na block voting ng siyam na kandidato ng PDP-Laban na inendorso ng dating Pangulo. Nagpahayag siya ng pangamba na maaaring magdulot ito ng pandaraya sa eleksyon.
Ikinabit din niya ang isyu sa nalalapit na halalan ng pagkapangulo sa 2028, binatikos ang umano’y pagsisikap na manipulahin ang opinyon ng publiko para mapanatili ang kapangyarihan.
May 12 kandidato ang administrasyon para sa Senado, habang siyam naman ang inendorso ng dating Pangulong Duterte. Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na suportahan ang kanyang mga kandidato, na sinabing hindi sila nasangkot sa kontrobersiya tulad ng war on drugs, katiwalian noong pandemya, at isyu sa West Philippine Sea.
Wala pang tugon ang Malacañang sa pahayag ng Bise Presidente. Santi Celario