MANILA, Philippines – Isang kasal sa Cagayan de Oro ang naudlot noong Marso 11, 2025, matapos umanong magising ang groom mula sa “gayuma” na sinasabing isinagawa ng bride.
Ang insidente ay naging usap-usapan sa social media nang maglabas ng hinaing sa TikTok ang event organizers matapos ang tatlong oras na hindi pagsipot ng magkasintahan, mga bisita, at ang judge.
Sa isang video, makikita ang bakanteng venue at kalaunan ay ang tensyonadong pag-uusap ng bride at groom nang dumating sila.
Lalo pang lumala ang sitwasyon nang dumating ang pulisya at natuklasang may utang na ₱500,000 ang bride para sa mga serbisyo ng kasal — kabilang ang pagkain, makeup, at dekorasyon — na hindi niya nabayaran kahit piso.
Ipinagpatuloy ng organizers ang paghahanda base lamang sa pangako ng bride na babayaran ang balanse, na sinabing may kamag-anak siyang pulitiko mula Davao na dadalo sa kasal.
Dagdag pa rito, sinabi ng groom na hindi niya alam ang tungkol sa kasal dahil umano’y nasa ilalim siya ng “gayuma.”
Napansin din ng mga saksi ang tila wala sa sariling kilos ng groom sa araw ng kasal, at sinasabing nawala lamang ang bisa ng gayuma matapos siyang wisikan ng asin ng asawa ng kanyang kaibigan. RNT