MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider matapos ang habulan sa pagitan ng Pasay City police at mga hinihinalang Chinese kidnappers sa isang commercial complex madaling araw ng Miyerkules, Marso 12, 2025.
Kinilala ang biktima na si Julius Check, na nabundol ng sasakyan ng mga suspek at idineklarang dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital.
Nagresulta ang habulan sa pag-aresto ng dalawang Chinese nationals na kakasuhan ng kidnapping for ransom, illegal possession of firearms and ammunition, paglabag sa Omnibus Election Code, Comprehensive Dangerous Drugs Act, at reckless imprudence resulting in homicide.
Nagsimula ang insidente nang magsumbong si “Trixia” sa MOA Police Sub-Station na kinidnap ang kanyang kaibigang si “Fei” ng isang grupo ng Chinese nationals na humihingi ng PHP500,000 ransom.
Sa tulong ng intelligence reports, natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek sa Shore 2 Condominium sa MOA Complex.
Nagplano ang mga pulis ng entrapment operation kung saan nagkunwaring susunod si “Trixia” sa ransom demand at nag-set ng meeting malapit sa Ikea MOA Arena.
Bandang 4:00 AM, lumabas si “Jian” mula sa isang gray Geely vehicle kasama ang biktima, na agad namang inaresto. Nakuha sa kanya ang isang unregistered .38 caliber revolver na may limang bala.
Sinubukan ng mga suspek na tumakas at nabangga si PMAJ James Ralph E. Naval, na pinaputukan ang gulong ng sasakyan para mapahinto ito.
Sa kanilang pagtakas, nabangga ng sasakyan ang isang red Honda motorcycle na minamaneho ni Julius Check, na nakaladkad sa Coral Way.
Nadakip ang mga suspek na sina “Bang” at “Xin” malapit sa crash site, habang nakatakas ang isa pang kasamahan.
Sa follow-up operation sa Shore 2 Condominium, naaresto si “Niu” at nakumpiska ang 152.4 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P761,000, kasama ang isang loaded .38 caliber revolver.
Inaresto rin si “Zhu” ng security at kinilala ng biktima bilang isa sa mga kidnappers. Dave Baluyot