Home METRO Dayuhan, Pinay natagpuang patay sa isang tent sa Bohol

Dayuhan, Pinay natagpuang patay sa isang tent sa Bohol

CEBU CITY, Philippines – Patuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ng mag-asawang French at Cebuana sa loob ng tent sa isang subdivision sa Tagbilaran City, Bohol.

Sa kabila nito, kinonsidera ng pulisya sa Central Visayas ang insidente bilang suicide.

Nang gumulong ang imbestigasyon, napag-alaman na nasawi ang mga biktimang sina Sylvian Florian Delaitre at Jennifer Cornelio sa asphyxiation matapos na makalanghap ng nakalalasong usok, sabi ni Police Lt. Col. Gerald Ace Pelare, tagapagsalita ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7).

Ibinunyag din ng mga imbestigador na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isa sa mga kaibigan ng mag-asawa, na sinasabi na pinag-iisipan nilang kitilin ang sarili nilang buhay noon.

Bagama’t ipinakita ng ebidensya na ang trahedya na sinapit nina Delaitre at Cornelio ay isang mistulang pagpapakamatay, hindi pa rin isinasara ng pulisya ang kaso.

Sinabi ni Pelare na walang nakitang senyales ng foul play ang pulisya sa Bohol.

Gayunpaman, nilinaw niya na patuloy silang nagsasagawa ng higit pa at mas malalim na imbestigasyon dito.

Noong Abril 12, kinumpirma ng mga awtoridad ang pagre-recover sa mga bangkay nina Delaitre at Cornelio sa loob ng tent na kanilang itinayo sa isang bakanteng lote sa isang subdivision sa Bool District sa Tagbilaran City.

Si Delaitre, 39, ay nagmula sa France habang si Cornelio, 30, ay tubong bayan ng San Fernando sa southern Cebu.

Narekober ng pulisya ang isang lalagyan ng muriatic acid at isang balde ng kemikal na pinaniniwalaang hydrogen sulfide. RNT