MANILA, Philippines – Arestado ang isang Vietnamese national at kasabwat na Chinese national matapos mabuking sa pagbebenta ng ilegal na droga na isinilid sa bigas sa Pasay City.
Konektado umano ang operasyon sa naunang huli ng National Bureau of Investgaton -Organized Transnational Crime Division (NBI-OTCD) noon Enero 23 kung saan sa kanin naman nadiskubre ang kontrabando.
Ayon sa NBI, nakatago ang ectasy at ketamine sa tinatayang nagakkahalaga ng P100,000 sa isang pouch ng bigas na kanilang ibinibenta sa kanilang parokyano na kapwa nila kababayan.
Sinabi ni NBI-OTCD chief Jerome Bomediano, ang mga delivery rider ng nagagamit sa nasabing transakyon dahil hindi naman nila batid na ang bigas na kanilang idedeliber ay mayroon palang nakasilid na droga.
Ayon sa NBI, nakakaalarma lang dahil nakakapagbenta sila ng illegal na droga sa bansa kaya naman puspusan ang ginagawang pagsubaybay sa kanila para sila ay mahuli.
Nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek.
Dati rin umanong sangkot sa illegal na POGO ang dalawa na ngayon ay iniimbestigahan na ng NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden