MANILA, Philippines – Nakiramay si dating Vice President Leni Robredo sa pamilya ng pumanaw na si Albay Representative Edcel Lagman sa Sogod, Bacacay, Albay.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Robredo na ang pagkamatay ni Lagman ay isang malaking kawalan sa Liberal Party, kung saan ipinakilala nito ang mga inobasyon na hanggang ngayon ay pinanghahawakan pa rin ng partido.
“Sa akin personal kasi noong naging vice president ako, naging malapit ako kay Cong Edcel. Malapit yung bahay na tinitirhan ko sa Manila sa bahay niya, so kapag merong kailangang isangguni, pinupuntahan ko siya sa bahay, at yung treatment niya talaga sa akin parang anak niya. Kaya ngayon na wala na siya, yung loss talagang ramdam na ramdam,” ani Robredo.
Ang labi ni Lagman ay dinala sa Bicol nitong Linggo ng umaga, Pebrero 2 at ngayong araw ay ililipat ang labi nito sa St. John the Baptist Church sa Tabaco City, kung saan may gaganaping misa sa buong araw.
Gagawin din ang send-off ceremony sa kaparehong araw bago tuluyang ilipad ang labi nito pabalik sa Manila bukas, Pebrero 5 para sa necrological service sa Kongreso. RNT/JGC