Home NATIONWIDE Tapyas-taripa sa bigas, maling diskarte sa krisis – Sen Imee

Tapyas-taripa sa bigas, maling diskarte sa krisis – Sen Imee

SINABI ni Sen. Imee Marcos na ang pagbaba ng taripa sa bigas ay isang maling konsepto upang tugunan ang krisis sa bigas.

Ayon kay Sen. Marcos, ang  magiging epekto ng pagbaba ng taripa sa bigas ay malayang makapapasok ang mga imported rice na siyang magiging dahilan para madehado ang mga magsasakang Pilipino.

Ginawa  ng Senador ang pahayag sa katatapos na pagdaraos nitong Linggo ng 2nd National Assembly and Unification Summit ng PolPHIL Party (People’s Progressive Humanist Liberal Party) sa UP Bahay ng Alumni Quezon City.

Sa interbyu ng mga mamamahayag, naniniwala si Sen. Marcos na mali ang hakbang ng Department of Agriculture  (DA)  na ibaba ang taripa sa bigas sa 15 porsyento mula sa 35 % dahil magiging epekto nito ang pagdagsa ng imported na bigas sa bansa.

“Paano na makaka-agapay ang magsasakang Pilipino dahil pinayayaman pa natin ang Vietnamese at Pakistani samantalang pinupulubi natin ang Pilipinong magsasaka” ayon kay Marcos.

Kaugnay nito pinapalagay ng mga economic manager na ang pagbabawas ng taripa ay maaaring humantong sa pagbaba ng humigit-kumulang PHP5-PHP7 kada kilo ng bigas. Mababatid na ang Vietnam bilang nangungunang supplier ng bigas  ay nagi-import ang bansa ng (2.61 milyong MT) ng bigas, na sinundan ng Thailand (416,185.19 MT) at Pakistan (157,564.48 MT).

Sinabi pa ng Senador na ngayon nag-iba naman ng hakbangin ang DA, ang dami-daming ipinalabas nitong presyo ng bigas na may P29, may P39 at naglabas pa sila ng SRP (suggested retail price) na P59.

Kaugnay nito naniniwala si Sen. Marcos na inaasahang tataas pa ang importasyon ng bigas ng Pilipinas sa 4.9 milyon MT sa 2025 dahil sa “mas maliit na pananim” na inihahatid ng mga lokal na sakahan. Maagrabyado ang lokal na magsasaka mula sa tone toneladang bigas na papasok ngayong taon habang ang mga magsasaka ay magsisimula pa lang mag-ani. Kaya kinatatakutan natin ang dinagsa ng imported rice.

Samantala dumalo rin sa naturang okasyon si Father Ed dela Torre  senior adviser ng PolPhil at si dating PNP chief Benjamin Acorda bilang National President ng  PolPhil.

Ikinalugod ni Acorda ang pinanghahawakang pangako ng PolPhil ang magkaroon ng isang tunay na pamumuno na umuunlad sa pakikipagtulungan ng magkabilang panig political persuasion pero nagkakaisa na  hubugin ang kinabukasan ng ating susunod na henerasyon. (Santi Celario)