Home METRO Dayuhang terorista hinarang ng BI sa NAIA

Dayuhang terorista hinarang ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Belgian na nasa listahan ng interpol ng mga hinihinalang dayuhang terorista.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang 31-anyos na pasahero, na itinago ang pangalan para sa layuning pangseguridad, ay tinanggihang makapasok noong Pebrero 7 sa Terminal 3 ng NAIA dahil sa pagiging undesirable alien.

Sinabi ni Tansingco na agad pinabalik sa pinanggalingang lugar ang lalaking Belgian pagkatapos nitong dumating sa bansa sa pamamagitan ng isang Etihad flight mula sa Abu Dhabi. Ang kanyang kasama, isang 27 taong gulang na babaeng Belgian, ay pinabalik din dahil sa pagsama nito sa nauna.

Ayon kay Tansingco, agad na pinaalis ang lalaking dayuhan matapos madiskubre ng opisyal ng BI na nagproseso sa kanya na may rekord ito sa Interpol derogatory check system ng kanyang computer.

Sa ginawang beripikasyon, ang nasabing Belgian ay napapailalim sa isang diffusion notice na inisyu ng Interpol para sa umano’y pagkakasala sa pagkakasangkot nito sa krimen na may kaugnayan sa terorismo.

Pinabalik ang Belgian alinsunod sa Sec. 29 ng Philippine immigration act na nagbabawal sa pagpasok ng “any alien who believes in, advises, advocates, ore teaches the overthrow by force and violence of constituted law authority.”

Nabatid na ang pangalan ng suspek ay kasama sa blacklist ng BI, na epektibong humahadlang sa kanya sa muling pagpasok sa bansa. JAY Reyes