MANILA, Philippines – Ginisa ng mambabatas ang Department of Budget and Management (DBM) kung bakit napakatagal ng paglalabas ng pondo ng ahensya para sa electrification ng rural areas sa Pilipinas, dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring kuryente ang milyon-milyong pamilya sa buong bansa.
Ayon kay Philreca Party-list Rep. Presley de Jesus, nasa 2.3 milyong tirahan pa rin ang walang kuryente.
Naglaan ang DBM ng P1.63 bilyong pondo para sa Sitio Electrification Program sa proposed budget nito para sa 2025, ayon sa budget sponsor ng ahensya na si Rep. Stella Quimbo.
Sasakupin ng programa ang nasa 450,000 tirahan.
Noong 2024, nakakuha ang ahensya ng P1.63 bilyong pondo para sa proyekto, kung saan ang obligation rate hanggang noong Hunyo 30 ay nasa 44.43 percent lamang.
“Siguro mayroong delayed sa reporting kasi pagdating naman sa disbursement, ang naka-indicate dito sa report ay zero… Ito siguro ang dahilan bakit binigyan kayo ng benefit of the doubt kasi alam na alam nila in previous years, alam naman nila na mataas ang inyong accomplishment,” ani Quimbo.
Nang tanungin naman ni APEC party list Rep. Sergio Dagooc kung anong buwan karaniwang inilalabas ang pondo para sa programa sa National Electrification Administration (NEA), sinabi ni Quimbo na ang Special Allotment Release Order (SARO) ay karaniwang inaabot ng matagal na panahon.
“Matagal ma-release ang SARO by experience dahil matagal mag-submit ng documents ang NEA. ‘Yan ang nagiging karanasan,” aniya.
Dismayado dito si Dagooc, na nangangasiwa ng dalawang electric cooperatives sa Siargao at Dinagat sa nakalipas na tatlong dekada.
Sinabi ng mambabatas na sakop ng programa ang konstruksyon ng linya ng kuryente sa rural areas at ang mga gamit para rito ay sakop ng procurement law.
Dahil dito, ang proseso ng konstruksyon pa lamang ay talagang matatagalan na.
“Sa RA 9184, susundin namin ‘yung government procurement kaya napakahaba. Kung i-release niyo [nang] second quarter, tapos ipa-bid pa ‘yan, aabutin pa ng 3 buwan ang resulta ng bidding tapos ang delivery of materials. So mababa talaga ang obligation rate,” ani Dagooc.
“‘Yung kontrata, yung project, yung purchase orders, doon sa last quarter na ‘yun mangyayari. Kaya hindi na matapos ‘yung target,” dagdag pa niya.
Ang nais ng mambabatas ay mailabas na agad ang pondo para sa proyekto sa unang quarter pa lamang ng taon dahil sa mahabang proseso nito.
“‘Yung mga sitio na i-eelectrify, previous year pa ‘yan sina-submit. Mayroon kaming tinatawag na program – distribution development plan – at kasama doon ‘yung listahan ng mga sitio na ie-electrify for the next three to five years,” sinabi pa ni Dagooc.
“Kaya hindi totoo na hindi nai-submit ‘yan,” dagdag pa.
Samantala, sinabi ni Quimbo na late na rin naipasa ng mga sitio ang iba pang dokumentasyon na kailangan para mabigyan sila ng kuryente.
“Ang pinaka matagal daw among na requirements na kailangan i-submit ay ang certification from the barangay chairperson on the population and number of houses per sitio… and barangays to be energized and cost of energizing a sitio,” anang mambabatas.
Hindi naman kumbinsido si Dagooc sa sagot ni Quimbo.
“Isang submission ‘yan… This program is very important to NEA… The primary mandate of NEA is total electrification of the countryside using electric cooperatives as a vehicle to implement the program,” aniya.
“Kaya hindi mangyayari na number one sa key performance indicator ng NEA ‘yung submission,” dagdag pa.
Ani Quimbo, para mapabilis ang elektripikasyon ng mga tirahan, papayagan ng DBM ang “comprehensive release” ng pondo para sa proyekto sa 2025.
“Hindi na kailangan ng mga ito (documents). Hindi na kailangan problemahin ng mga requirements na ito. Aasahan natin na at least itong balakid na ito ay matatanggal na,” sinabi pa ni Quimbo.
Nagpasalamat naman si Dagooc sa pag-waive ng mga requirements para sa certification ng mga barangay.
Sa kabila nito, ang mga dokumento ay kailangan pa ring maipasa ‘in advance.’
“Ang requirement kasi na ‘yan ay siniguro natin na ‘yung ire-release na pera ay mayroong sitio. We have experienced before na may mga taong nagre-request pero wala namang sitio doon. Ang papalinyahan lang ay property nila, lupa nila,” sinabi pa. RNT/JGC