MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa gitna ng deliberasyon ng Senate finance committee para sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aksyonan ang malaking bilang ng mahihirap na senior citizen na nasa waitlist ng social pension program.
Ginawa ni Go ang panawagan dahil na rin sa pagtaas ng budget para sa social pension program para sa senior citizens.
Para sa susunod na taon, sinabi ni Go na ang budget para sa social pension ng indigent senior citizens ay P49.8 billion. Ito ay sumasalamin sa pagtaas ng monthly pension mula 500 hanggang 1,000, sa ilalim ng Republic Act No. 11916, na siya ang co-author at co-sponsor.
Pinukaw ang atensyon ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at iba pang opisyal na naroroon, idiniin ni Go na mahalaga ang naturang pensiyon, lalo sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na madalas magtanong tungkol sa kanilang mga karapatan sa pagbabalik sa Pilipinas.
“Alam n’yo po, Secretary Rex, ‘pag nasa abroad tayo, nakakausap natin ‘yung mga OFW na matatanda na. Unang tanong nila: Meron ba tayong pension na mauuwian sa Pilipinas. May matatanggap ba sila?”
Nag-aalala si Go dahil malaking bilang ng mga senior citizen o umaabot sa 466,000 na karapat-dapat para sa pensiyon ang nananatili sa waitlist at ang bilang na ito ay inaasahang tataas sa 600,000.
Binanggit ni Go na P5.8 bilyon ang inilaan sa unprogrammed appropriations at kabilang sa backlog ay senior citizens na naghihintay ng kanilang mga pension.
“Ano na ang status nito at napondohan na ba itong unprogrammed appropriations na P5.8 billion?” tanong niya.
Sa kaugnay na punto, binanggit din ni Go na may mga sobrang pondo sa PhilHealth na nagkakahalagang P89.9 bilyon na plano ng executive na ilipat sa National Treasury.
Tinanong ni Go kung ang mga pondong ito ay gagamitin upang tumulong sa pag-cover sa unprogrammed budget para sa pensiyon ng mga senior.
“Pwede ba’ng gamitin ito doon? Kasi itong mga senior citizens, napakalaking bagay na para sa kanila,” ani Go.
“Pwede ba, mabigyan n’yo ito ng priority sa unprogrammed funds? Kung sakaling nakakuha kayo ng mga extra funds or collections ng national government, pwede bang mauna mabigyan po itong senior citizens para mabawasan ang inyong waitlist?” tanong ni Go.
Bilang tugon, kinumpirma ni Director Sofia Abad ng Department of Budget and Management na ang probisyon para sa mga naka-waitlist na senior citizen ay kasama sa kanilang unprogrammed appropriations, ngunit ang pagpapatupad nito ay napapailalim sa pagkakaroon ng labis na koleksyon ng kita.
Kinumpirma naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakagawa na ng pormal na kahilingan ang departamento sa DBM na pondohan ang mga karagdagang senior citizen sa waitlist. Nilinaw niya na hindi kontrolado ng DSWD ang pagpapalabas ng mga hindi nakaprogramang pondo.
Ipinaliwanag niya na kung ang departamento ay bibigyan ng bahagi ng hindi nakaprogramang pondo, masasakop nila ang 490,000 senior citizens.
Gayunpaman, inamin niya na ang natitirang 600,000 na nakatatanda ay mangangailangan pa rin ng karagdagang pondo. RNT