MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules ang Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng ₱100 milyon mula sa Local Government Support Fund para sa rehabilitasyon ng Masbate, ang pinakamalubhang tinamaan ng Bagyong Opong.
“Nag-instruct na ko sa DBM… na mag-download ng ₱100 million na LGSF para mayroon kayong immediate na magamit para sa rehabilitation,” sinabi ni Marcos sa kanyang pagbisita, at nagdagdag ng paalala: “Huwag kayo mag-alala, patuloy po ang suporta ng pamahalaan hangga’t nangangailangan kayo.”
Ayon sa OCD, umabot sa 150,000 indibidwal ang naapektuhan sa Masbate, kung saan 14,000 bahay ang bahagyang napinsala at 3,500 ang tuluyang nasira.
Wala pa ring signal ng cellphone sa probinsya at limitado lamang ang libreng WiFi na ibinigay ng ilang telco.
Maraming kalsada ang hindi pa madaanan dahil sa debris at mga bumagsak na poste, habang aabutin ng isang buwan bago tuluyang maibalik ang kuryente at suplay ng tubig. Naglagay din ng internet satellite para sa lalawigan. RNT