MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na makikipagtulungan ito sa Department of Education (DepEd) upang mapabilis ang pagproseso ng FY 2024 Performance-Based Bonus (PBB) para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabilis ang processing at budget release ng PBB para sa public school teachers.
Sa ilalim ng Executive Order No. 61 Technical Working Group (TWG) Memorandum Circular No. 2026-1, may 20 calendar days ang DepEd mula sa pagtanggap ng Final Eligibility Assessment Report mula sa TWG upang isumite sa DBM ang Form 1.0 o Report on Ranking of Offices/Delivery Units.
Nakasaad sa naturang form ang listahan ng mga opisyal at empleyadong kwalipikado para sa FY 2024 PBB.
Kapag natanggap ng DBM ang kumpleto at wastong submission mula sa DepEd, agad nitong rerepasuhin at ipoproseso ang kinakailangang Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at proseso.
Tiniyak ng DBM na walang magiging hindi kinakailangang pagkaantala sa kanilang panig.
Ginawa ng DBM ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day, bilang pagkilala sa malaking ambag ng mga guro sa paghubog sa buhay at kinabukasan ng milyun-milyong Filipino learners. Jocelyn Tabangcura-Domenden