MANILA, Philippines- Hinimok ni dating Sen. Leila De Lima nitong Sabado si dating presidential spokesperson Harry Roque na sumuko sa mga awtoridad sa gitna ng House arrest order laban sa kanya.
Inihayag ito ni De Lima sa paghahain niya sa Manila Hotel Tent City ng certificate of nomination and acceptance (Cona) ng Mamamayang Liberal party-list, kung saan siya ang first nominee.
“Of course, he must. He is a lawyer. He is a man of law. He is supposed to be a lawyer,” ani De Lima hinggil kay Roque sa isang panayam matapos maghain ng Cona.
“Ako nga hinarap ko eh, kahit gawa-gawang mga kaso eh. Hinarap ko ang batas,” dagdag niya.
Binanggit ni De Lima na pinagdaanan niya ang buong proseso sa kabila ng pagiging “so painful and tedious” nito para sa kanya.
“So dapat ganoon. Kung wala yang kasalanan, wala kang itinatago, harapin mo nang buong tapang. Hindi yung nagtatapang-tapangan lang sya … nagla-livefeed na lang siya, ini-insulto niya pa ang ating mga law enforcers,” wika pa niya, tinutukoy ang regular Facebook live streams ni Roque.
“Alam niyo naman kung ano yung mga pinagsasasabi niya sa akin and look at him now, he’s on the run, instead of facing the rule of law.”
“Siguro naman na-realize na niya kung gaano kamali ang mga nasabi niya tungkol sa akin…Marunong talaga ang Diyos,” sabi pa ni De Lima.
Iniuugnay si Roque sa Lucky South 99, ang sinalakay na Philippine offshore gaming operators hub sa Porac, Pampanga, matapos madiskubre ng mga awtoridad ang mga dokumentong may lagda niya, subalit makailang-ulit na itinanggi ni Roque na sangkot ito sa Pogo hub. RNT/SA