Home NATIONWIDE Deadline ng pagsusumite ng SOCE ‘di na palalawigin pa – Comelec

Deadline ng pagsusumite ng SOCE ‘di na palalawigin pa – Comelec

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato, nanalo man o natalo, na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.

Ayon sa Comelec, ang mga kandidato, partido politikal, at party-list — kahit walang ginastos, hindi nangampanya, self-funded, o umatras sa kandidatura — ay kailangang magsumite ng SOCE.

Paalala ng komisyon, dapat may notaryo ang SOCE at personal na pirmado ng kandidato o ng treasurer ng partido o party-list. Kailangan ding magsumite ng hard copies at soft copies sa PDF at Excel format, kasama ang external storage device.

Sa Hunyo 11, 2025 ang deadline ng pagsusumite ng SOCE, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, pati Sabado at holidays.

Hindi tatanggapin ang late submissions, at bawal ang pagpapadala sa pamamagitan ng koreo, email, courier, o messenger.

Mahigpit ding paalala ng Comelec na hindi makakaupo sa puwesto ang sinumang nanalong kandidato na hindi makapagsumite ng SOCE sa takdang panahon.
(Jocelyn Tabangcura-Domenden)