Home METRO ‘Deadly Tigdas’ sa mga paslit binabantayan sa Bulacan

‘Deadly Tigdas’ sa mga paslit binabantayan sa Bulacan

Bulacan – Tinututukan ng kinauukulan ang napaulat na pagtaas ng kaso ng tigdas na pawang mga bata ang dinadapuan ng sakit sa lalawigang ito.

Sa datos ng Bulacan Provincial Health Office PHO – Public Health, sa kanilang pagtutok sa kaso ng tigdas sa lalawigan ay naitala ang 27 laboratory-confirmed cases mula Enero.

Ayon sa datos, karamihan sa tinatamaan ay mga batang limang taong gulang pagbaba na walang bakuna laban sa tigdas.

Sa kasalukuyan, wala pang naitalang clustering of cases sa anumang barangay, base na rin sa PHO-Public Health.

Nabatid na madaling kumalat ang virus mula sa hangin, maging sa pakikisalamuha, pag-ubo o pagbahing ng taong may tigdas.

Sinasabing ang virus ay maaring manatili sa hangin hanggang dalawang oras kahit wala na ang carrier nito, base na rin sa impormasyon.

Karaniwang sintomas ng batang may tigdas na dapat nang dalhin sa health center o ospital ay ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, ubo, sipon, pamumula ng mata at may mga mapupulang pantal sa balat.

Payo ng kinauukulan, kung wala pang bakuna ang inyong mga anak na limang taon o 59 buwang gulang pababa ay agad pumunta sa pinakamalapit na health center para mabigyan ng libre, ligtas at epektibong proteksyon dahil ang tigdas ay maaaring mauwi sa malubhang komplikasyon at ikamatay ng isang indibidwal. Dick Mirasol III