MANILA, Philippines- Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte ang mga taong patuloy na nagdarasal para sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Binisita naman ni VP Sara ang lalawigan ng Samar nitong weekend para sa two-day “Visita Iglesia” pilgrimage.
Ani VP Sara, nagawa niyang makausap ang mga lokal na residente kung saan sinabi sa kanya na patuloy nilang ipinagdarasal ang pagbabalik sa Pilipinas ng kanyang ama.
Si dating Pangulong Duterte ay kasalukuyang nakaditine sa The Hague, Netherlands, dahil sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
“Many people told me they are praying for president Duterte’s return. They are saddened by what happened to him,” ang sinabi ni VP Sara.
At nang tanungin naman siya hinggil sa kanyang “personal na panalangin” sa pagbisita sa Simbahan, sinabi ni VP Sara na ipinagdasal niya ang bansa at ang kanyang ama.
Hindi naman nagbigay ng kanyang komento si VP Sara hinggil sa development sa kaso ng kanyang ama, ang anuman aniyang updates ukol sa legal defense ng dating Pangulo o posibleng pagbabalik nito sa Piipinas ay dapat na manggaling sa kanyang mga abogado lamang.
“I cannot talk about the chances of [former president Duterte] returning to the Philippines because I’m not privy to what the lawyers are doing. There is lawyer-client confidentiality,” ani VP Sara,
“It was agreed that only his lawyers will speak on any developments in the case,” dagdag niya.
Hindi naman malinaw kung nakapulong ni VP Sara ang sinumang lokal na opisyal sa kanyang pagbisita sa nasabing lalawigan.
Sa kabilang dako, sinabi ni VP Sara na pinili niya ang Samar para sa kanyang Visita Iglesia dahil mayroon aniyang ‘early flight’ patungong Calbayog City habang ang ruta sa Maynila mula Davao City ay araw ng Sabado.
“Yesterday, this was the first flight from Davao to Manila. We arrived in Calbayog around 7 a.m., so we were able to start early and thank many of our fellow Filipinos,” paglalahad ng Bise Presidente.
Ang kanyang naging pagbisita sa Samar ay hindi inanunsyo.
Sinorpresa lamang aniya niya ang mga lokal na nakakita sa kanya nang dumalo sa misa.
Marami naman ang nagkaroon ng pagkakataon na makapag-selfie sa kanya.
Samantala, kabilang sa pitong simbahan na binisita ni VP Sara ay ang Saints Peter at Paul Cathedral at Most Holy Trinity Parish Church, kapuwa sa Calbayog City; St. Michael Parish Church sa Gandara; St. Isidore the Farmer Parish Church sa San Jorge; St. Francis of Assisi Parish Church sa Tarangnan; at St. Bartholomew Church and Our Lady of the Most Holy Rosary Church, kapuwa sa Catbalogan City. Kris Jose