MANILA, Philippines – Umakyat sa 10 ang bilang ng mga nasawi sa landslide sa Malapatan, Sarangani, ayon sa municipal disaster risk reduction and management office.
Kabilang sa 10 fatalities sa Barangay Poblacion ang dalawang bata at isang indibidwal na isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ang mga biktima ay mula umano sa dalawang pamilya sa magkahiwalay na tirahan.
“Ang landslide hindi talaga malalim kasi ang pag-rescue sa kanila around 6 o’clock based sa statement ng purok chairman,” sinabi ni Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr.
“Naririnig pa niya ang boses sa ilalim. ‘Yun’ yung isinugod sa ospital pero the rest, tahimik,” dagdag pa.
Ayon sa Malapatan MDRRMO, ang landslide ay posibleng idinulot ng malalakas na pag-ulan dahil sa Habagat at pinahina rin ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani noong Hunyo 8.
“Posible ito na hindi na-report kasi hindi din siguro ito basta-basta ma-landslide kung walang tension cracks pero ‘yan ay kino-confirm pa natin,” dagdag ni Malapatan MDRRMO Officer Mark Christopher Quiño.
Kasunod ng insidente ay ipinag-utos na ng provincial local government unit ang pre-emptive evacuation sa iba pang pamilya malapit sa lugar.
“We already informed the barangay ‘yung Sitio pa doon kung kinakailangan ipa-evacuate na kasi malakas pa man ang ulan,” ayon kay Sarangani Governor Rogelio Pacquiao. RNT/JGC