Nawasak ang Archdiocesan Shrine ng Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu matapos ang malakas na lindol.
MANILA, Philippines – Ibinaba ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Oktubre 3 ang bilang ng mga nasawi mula sa magnitude 6.8 na lindol sa 68 mula sa bilang na 72 nitong Huwebes.
Ayon kay Diego Mariano, officer-in-charge of the Civil Defense Communications and Advocacy Division, ang bilang ay naberipika ng Management of the Dead and Missing (MDM) cluster, isang bagong tatag na unit sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Please take note lang po that the numbers may increase or decrease as validation of the MDM led by DILG is ongoing po,” ani Mariano.
Hanggang nitong alas-6 ng umaga, nakapagtala ang NDRRMC ng 599 injured persons na isasailalim pa sa validation.
Nasa kabuuang 80,595 pamilya o 366,360 indibidwal naman ang apektado.
Sa nasabing bilang, 365 pamilya o 1,795 katao ang tumutuloy sa walong evacuation centers, habang ang 15,092 pamilya o 75,227 katao ay tumutuloy sa labas ng evacuation centers.
Mayroon namang tatlong kalsada at limang tulay ang nananatiling hindi madaanan dahil sa pinsala, habang non-operational din ang mga pantalan sa San Remigio, Bogo, at Medellin sa Cebu.
Nasa ilalim ng state of calamity ang buong probinsya ng Cebu. RNT/JGC