Home HOME BANNER STORY Defense team ni VP Sara, binatikos ng NUJP sa ‘pananakot’ sa media

Defense team ni VP Sara, binatikos ng NUJP sa ‘pananakot’ sa media

1
0

MANILA, Philippines – Matinding binatikos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang defense team ni Vice President Sara Duterte sa tila pananakot sa media hinggil sa paglalantad ng impormasyon na binanggit ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa hinihinalang tagog-yaman ng opisyal.

Sa pahayag, sinabi ng kalatas ng NUJP na hindi maaaring gamitin ng isang abogado ang paghingi ng paumanhin sa “hindi sinasadyang” pananakot upang hadlangan ang karapatan ng media na mag-ulat tungkol sa suspicious transactions o korapsyon na kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno.

Nitong Miyerkoles, tinutulan ng NUJP ang babala ni Atty. Mark Vinluan, defense lawyer ni Vice President Sara Duterte, na maaaring mapanagot ng kriminal ang sinumang journalist sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Nauna rito, binanggit ni Vinluan ang mga parusa sa ilalim ng AMLA habang tinatanong niya si AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa mga patakaran sa financial confidentiality.

Nitong Martes, humingi siya ng paumanhin sa mga senator-judge dahil sa mga pahayag na maaaring nagmukhang nanakot sa testigo o sa mga miyembro ng media.

Aniya, hindi niya ito sinadya.

“Hindi namin minamaliit ang pananakot”, ayon sa NUJP.

“The NUJP does not take attempts to silence and intimidate journalists, whether unintended or not, lightly,” sabi ng grupo.

“Public officials and lawyers should know better than to wield the AMLA as a threat against journalists simply for doing their jobs,” dagdag ng NUJP.

Ayon sa Section 9(C) ng AMLA, ipinagbabawal sa media na ibunyag na may naireport na covered o suspicious transaction sa AMLC, pati na ang nilalaman ng mga report at kaugnay na impormasyon.

Pero sabi ng NUJP, kapag ibinunyag na ang suspicious transaction reports o STRs sa opisyal na pagdinig, lalo na kung kinasasangkutan ito ng mga opisyal ng gobyerno, nagiging usaping public interest na ito.

“However, when suspicious transaction reports (STRs) are disclosed in official proceedings, especially concerning transactions of public officials, they become a matter of public interest,” ani ng NUJP.

Dapat anila ay mangibabaw ang constitutional right to know ng publiko at ang karapatan ng press na mag-ulat sa mga usaping may kinalaman sa publiko.

Itinuro rin ng grupo ang Section 16 ng AMLA na nagbabawal gamitin ang batas bilang kasangkapan sa political prosecution o panliligalig.

“We are all too familiar with how the AMLA has been used to silence independent journalists in the Philippines, many of whom remain detained years after the Duterte administration launched its campaign to silence dissenters and rights advocates,” sabi ng NUJP.

Para sa unyon, nakababahala ang paggamit ni Vinluan ng AMLA para protektahan ang financial transactions ng nakaupong bise presidente mula sa public scrutiny. Maaari aniyang mapigilan nito ang trabaho ng mga independent journalist at civil society groups na nagsusulong ng kanilang mga karapatan.

“The public has the right to know.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here