Home NATIONWIDE Deklarasyon ng food security emergency, suportado ng SINAG

Deklarasyon ng food security emergency, suportado ng SINAG

MANILA, Philippines – Suportado ng farmers group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang planong deklarasyon ng food security emergency ng Department of Agriculture kasabay ng mataas na presyo ng bigas at iba pang produkto.

Ayon kay SINAG president Rosendo So, mapapababa ng deklarasyon ang presyo ng bigas na mula P40 hanggang P59.77 kada kilo sa Metro Manila.

“I think ‘yung declaring, ito is para at least yung NFA [National Food Authority] rice is pwedeng magbenta at lower price, no? Welcome development ‘yan at sinusuportahan namin para at least bumaba ‘yung presyo,” ani So.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng National Price Coordinating Council sa resolusyon na humihimok sa DA na ideklara ang food security emergency sa bigas.

Ani So, hindi lamang mga consumer ang makikinabang sa deklarasyon kundi maging ang mga magsasaka dahil kailangang bumili ng NFA ng bugger stock mula sa kanila para mapalitan ang suplay sa oras na mailabas na ang kasalukuyang stock sa publiko.

“Hindi naman lugi ‘yung magsasaka rito, at bibili sila [NFA] ng replacement for itong madidistribute sa LGU [local government unit],” sinabi pa niya.

Kamakailan ay sinabi ng DA na inaasahan nitong matatanggap ang kopya ng resolusyon ngayong araw, Enero 20 at ang deklarasyon ay sa Miyerkules, Enero 22. RNT/JGC