Home NATIONWIDE Deliberasyon sa proposed 2025 budget ng KWF, ipinagpaliban sa Kamara

Deliberasyon sa proposed 2025 budget ng KWF, ipinagpaliban sa Kamara

MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng Kamara nitong Biyernes, Setyembre 20 ang deliberasyon para sa proposed 2025 budget ng Komisyon ng Wikang Filipino.

Ito ay matapos ang pinalutang ng isang mambabatas na umano’y “discrimination” at “vendetta” ng pinuno ng komisyon laban sa contract of service workers sa Filipino Sign Language unit.

Nagresulta ito upang ang FSL unit ay ilagay sa ilalim ng linguistics division.

Sa deliberasyon ng House plenary, sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party List Representative France Castro na hindi pinansin ni KWF Chairperson Arthur Cassanova ang rekomendasyon ng executive board kaugnay sa hiring ng pitong COS workers, na bahagi ng FSL unit, matapos silang maghain ng reklamo sa Ombudsman na nag-aakusa sa chair sa graft at corruption.

Para naman sa KWF, sa pamamagitan ng budget sponsor nito sa lower house na si Pangasinan 4th District Representative Christopher De Venecia, ang non-renewal ng mga kontrata para sa pitong manggagawa ay dahil sa “poor performance”.

“‘Yung pitong ito ay nagsampa rin ng kaso sa Ombudsman kaugnay doon sa alleged graft and corruption ng Chairman ng KWF at iba pang myembro ng board of directors ng KWF… kaugnay sa more than P1 million na sinasabing may graft and corruption doon sa pondo ng FSL,” ani Castro.

“‘Yun ang dahilan bakit tinanggal itong pitong ito. Nagkaroon din sila ng rally, at pinagbantaan din ng chairman ng KWF itong pitong ito na mga empleyado na tinanggal. Dapat nga na-permanente ito, binigyan ng plantilla positions, pero hindi. Ang nagbibigay ng recommendation para doon sa hiring ng ating mga personnel ay yung executive board. Ang recommendation ng executive board ay binalewala ng chairman,” dagdag pa.

“Sa poor performance na nabanggit ng Komisyon ng Wikang Filipino ni Chair Arthur kanina, ang criteria, una walang dokumento o output na nagpapakita na may ginawa silang aksyon sa pagbuo ng National Information and Communication Policy for the Filipino deaf and Filipino Sign Language, which na isa sa pangunahing gampanin ng KWF, na nakasaad sa IRR,” paliwanag naman ni De Venecia.

“So sinasabi ninyo na unsatisfactory ang performance ng pitong ito? Magpakita nga kayo ng katibayan… Nakakakita ako rito ng discrimination sa kanila at vendetta. Ito nga lang hindi pagbibigay ng sweldo sa kanila, kung hindi pa sila sinabihan ng korte at nagreklamo ‘yung mga empleyado dahil sa hindi sila pinassweldo, hindi sila pasuswelduhin,” tugon dito ni Castro.

“Pag-usapan natin ito, ‘yung ma-renew ang contract ng mga tinanggal na empleyado ng FSL unit… Hindi ko pwedeng payagan na mapasa at matapos ang budget deliberation ng KWF. I move to defer the budget of the KWF,” giit ng mambabatas.

Sinegundahan naman ng majority ang mosyon ni Castro, at walang tumutol kung kaya’t inaprubahan ang naturang mosyon. RNT/JGC