MANILA, Philippines – Makalipas ang mahigit isang buwang paghahanap, natagpuan na rin sa baybayin ng Batanes ang isang mangingisda mula sa probinsya ng Quezon noong Setyembre 19, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Iniulat na nawawala si Robin Dejillo, 49, residente ng Purok Rosas, Barangay Dinahican sa Infanta, Quezon, noong Àgosto 4 taong kasalukuyan.
Ayon sa PCG, nasagip ang mangingisda ng Coast Guard Station sa Batanes nang mamataan ng patrol team ang puting bangka sakay ang isang lalaki.
Tinulungan ng mga tauhan ng PCG ang mangingisda at hinila ang kanyang bangka sa Basco Port, Batanes.
Napag-alaman na hindi nakabalik si Dejilo sa kanilang mother boat matapos itong maubusan ng gas habang nangingisda.
Nakaligtas si Dejilo ng 45 araw sa dagat sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig ulan at pagkain ng isda at mga niyog na palutang-lutang sa dagat.
Ayon sa PCG, dinala si Dejilo sa Batanes General Hospital para mapagamot bago dalhin sa kanyang bayan sa Infanta sa tulong ng Coast Guard Aviation Command matapos ang masusing medical assessment. Jocelyn Tababgcura-Domenden