MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang mga history advocate sa umano’y patuloy na demolisyon ng De Jesus-Del Rosario-Lucena Ancestral House sa Bilibid Viejo, Maynila, na dating pag-aari ng rebolusyonaryong si Gregoria de Jesus o “Oriang.”
Ayon sa ulat, ang 150 taong gulang na bahay ay unti-unti umanong ginigiba mula pa noong Marso, at sinasabing walang naipakitang kaukulang permits o clearance para sa demolisyon.
Kinumpirma ni Barangay Captain Cecilio Mateo at ng Manila Department of Engineering and Public Works na walang naisyuhan o naihihinging demolition permit o historical clearance para sa naturang aktibidad.
May ulat din na ang bagong may-ari ng property ay isang Chinese national.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng kasaysayan, posibleng lumalabag ito sa Artikulo XIV, Seksyon 14 ng 1987 Konstitusyon na nag-uutos sa estado na pangalagaan ang pamanang pangkasaysayan at pangkultura ng bansa.
Pinatitibay ito ng Republic Act No. 10066 na nagbabawal sa sadyang pagsira, pagbabago, o demolisyon ng cultural properties nang walang pahintulot mula sa National Commission for Culture and the Arts o iba pang kaukulang ahensya.
Ayon sa batas, ang mga lumalabag ay maaaring mapatawan ng multa na ₱200,000 hanggang ₱1 milyon at pagkakakulong ng dalawa hanggang sampung taon, o pareho, depende sa desisyon ng korte. RNT/MND