Home OPINION DENGUE AT LEPTO DAPAT LABANAN

DENGUE AT LEPTO DAPAT LABANAN

NGAYONG tag-ulan, uso ang dengue at leptospirosis na nakamamatay o labis na nakapeperwisyo.

Heto ang mga naitalang mga kaganapan sa nakaraang tatlong taon, kabilang na ang kalahati ng 2024.

Sa Dengue, noong 2022, may namatay na 894 at noong 2023, may 657 na namatay samantalang mula Enero hanggang Hunyo 2024, may 196 na patay mula sa 70,500 kaso.

Sa leptospirosis, may 40 patay taon-taon at 680 kaso taon-taon at mula Enero hanggang Hunyo 2024, may 1,444 at 142 rito ang patay.

Gaya ng alam na ng lahat, mula sa kagat ng lamok ang dengue samantalang mula sa mga ihi at dumi ng mga hayop, lalo na ang daga, ang leptospirosis.

MGA PERWISYO

Karaniwang itinatakbo sa ospital ang mga nade-dengue at naleleptopirosis.

Kapag minalas ang pasyente, siyempre pa, sa sementeryo ang hantungan nito.

Magkano ang gastos sa pagbuburol at paglilibing?

Libo-libong piso ang sa mahihirap, daang libong piso sa medyo may kaya, at milyong piso sa mayayaman.

Ang kabaong lang, kung isusuplay ng punerarya, pinakamura ang P20 mil ngunit makatitipid ang pamilya kung sila mismo ang bibili at gagawa ng kabaong.

Wala pang P3 libo para sa plywood, dos por dos, pako, pintura at iba pa.

Ang sa may kaya-kaya, katamtamang presyo ang P40-P60 habang daang libo ang para sa mayaman.

Eh ang gastos sa burol, ang cremation, ang butas o mausoleo?

Magkano rin ang gastos sa ospital?

Milyon para sa mayayaman, daang libo sa mga may kayang alanganin ang yaman at libo para sa mahihirap.

Para sa mahihirap, suwerte sila dahil naririyan ang zero balance na patakaran para sa kanila ng Malasakit Center na nilikha ng batas na pangunahing inakda ni Senador Bong Go.

WALANG GAMOT AT MAY GAMOT

Hanggang ngayon, wala pang tiyak na gamot o bakuna ang dengue.

May tinesting naman noon pero binalot naman ng iskam ang mga pondo na bilyon-bilyong piso, pagkatapos, wala ring nakatiyak sa bisa ng bakuna na may tatak na Dengvaxia.

Meron ding mga namatay at may nakasampa na kaso ukol dito.

Meron ulit ngayong tinetesting na gamot at malalaman pa lang kung totoong maging epektibo ito, bagama’t nasa 48% umano ang bisa ng isang dosage nito.

Ang leptospirosis, kaya ng antibiotics, kasama ang penicillin at doxycycline ngunit inirereseta ng doktor.

LABAN SA DENGUE, LEPTOSPIROSIS

Pwedeng mapigilan ang pagkakasakit natin sa mga sakit na ito.

Dapat linisin ang lahat ng may tubig na roon nangingitlog at nagpaparami ang mga lamok sa loob at labas ng bahay.

Siyempre pa, iwasang makagat ng lamok lalo na sa umaga at sa takipsilim na paboritong oras ng mga lamok na may dengue.

Sa leptospirosis, umiwas na lumusong sa baha, kung may sugat o sakit ka sa balat, at lalo na sa mga baha sa kabayanan at kalunsuran na napakarurumi ang mga baha.

Alamin ang mga sintomas at kung meron ka ng mga ito, tumakbo ka na sa ospital para magpagamot kahit wala kang laman sa bulsa.

Saka mo na problemahin ang panggastos kapag naroon ka na sa harapan ng doktor at nars.