MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pagtaas ng kaso ng influenza-like illnesses (ILI), dengue, at leptospirosis dulot ng mga pag-ulan at bagyong sanhi ng shear line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at easterlies.
Bagamat bumaba ng 50% ang ILI cases mula 21,340 noong 2024 sa 9,995 ngayong 2025, lumobo ito sa 5,150 kaso mula Enero 5-18 kumpara sa 2,388 noong Disyembre 22-Enero 4.
Nakipag-ugnayan na ang DOH sa mga international health organizations upang suriin kung saklaw pa rin ito ng seasonal flu trends.
Tumaas din ng 40% ang dengue cases na umabot sa 28,234 noong Pebrero 1, habang 8% namang tumaas ang leptospirosis cases na nasa 422 kaso.
Hinimok ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na magpatingin agad sa doktor kung may sintomas ng lagnat, ubo, pananakit ng katawan, at iba pa upang maiwasan ang komplikasyon.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na alisin ang stagnant water upang maiwasan ang pagdami ng lamok, gumamit ng insect repellent, magsuot ng protektibong damit, at sumuporta sa fogging operations sa mga apektadong lugar.
Pinayuhan din ang lahat na maghugas ng kamay nang madalas upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit. RNT