MANILA, Philippines – Idineklara ng provincial government ng Bohol ang dengue outbreak sa buong lalawigan kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso at pagkamatay dahil sa sakit.
Nilagdaan ni Governor Erico Aristotle Aumentado ang deklarasyon nitong Huwebes ng gabi, Agosto 27, matapos maitala ng mga health authority ang 1,883 kaso ng dengue at 21 pagkamatay mula Enero 4 hanggang Agosto 22, 2026.
Batay sa executive order, lumampas ang lalawigan sa dengue epidemic threshold sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo, habang nasa 1.12 porsiyento ang case fatality rate.
Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng mataas na bilang ng dengue cases ang Talibon, Tagbilaran City, Ubay, Getafe at Tubigon.
Inirekomenda ng Provincial Local Health Board, katuwang ang Department of Health-Central Visayas Center for Health Development at Provincial Health Office, ang deklarasyon batay sa pinakabagong datos sa dengue at sa kapasidad ng mga health facility na tugunan ang patuloy na pagdami ng mga pasyente.
“There is an urgent need to escalate and intensify Dengue Outbreak management measures to control the transmission of dengue in the community and prevent the occurrence of deaths due to the disease,” ayon kay Aumentado sa executive order.
Iniutos ang agarang pagpapatupad at pagpapalakas ng mga hakbang laban sa dengue sa buong lalawigan, kabilang ang enhanced 4S Strategy, muling pag-activate ng local dengue task forces at pagpapatupad ng Aksyon Barangay Kontra Dengue.
Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na pakilusin ang mga kabahayan, paaralan at komunidad para sa “Search and Destroy” ng mga lugar na pinamumugaran ng lamok, partikular sa pamamagitan ng 4 o’clock habit.
Samantala, ipatutupad din ang mas pinaigting na vector-control measures para sa mga kumpirmadong kaso ng dengue.
Inatasan ang mga city at municipal health offices at mga ospital na magtatag ng Dengue Fast Lanes upang mapabilis ang konsultasyon at paggamot sa mga pasyente.
Kailangang tiyakin din ng mga lokal na pamahalaan ang maayos na referral ng mga pasyente, paglalaan ng pondo para sa mga kinakailangang dengue-control supplies at serbisyo, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholder.
Muling bubuuin at palalakasin ang Bohol Provincial Anti-Dengue Task Force bilang bahagi ng province-wide response laban sa sakit.
Ayon kay Aumentado, layunin ng mga pinaigting na hakbang na mapababa ang transmission ng dengue at maiwasan ang karagdagang pagkamatay. RNT/JGC